Suot ang kulay peach na arm band bilang pagsuporta sa tatlong impeachment complain na isinampa laban kay Noynoy Aquino, nagmartsa sa loob ng New Bilibid Prison ang mga bilanggong pulitikal bitbit ang streamer at plakard na may panawagang “Palayain ang Lahat ng Bilanggong Pulitikal!” at pagpapanagot sa mga nakinabang sa Disbursement Acceleration Program (DAP). Namahagi rin sila ng mga polyeto sa mga kapwa nakakulong, mga lider ng mga selda, at maging sa opisina ng NBP.
KAMING MGA BILANGGONG PULITIKAL dito sa Maximum Security Compound ay mahigpit na kumukondena sa patuloy na pagdala ng baluktot na paninindigan ng kasalukuyang gobyerno na nagsasamantala at nang-aapi. Walang maaasahan ang mga mamamayan sa katiyakan na mapapanagot at maigagawad ang sapat na kaparusahan sa lahat na sangkot sa kasuklam-suklam na pandarambong at paglustay sa salapi mula sa buwis ng taong bayan at kabang yaman ng bansa at paglalapat ng tunay, patas na hustisya’t katarungan sa buong bansa. Kung patuloy na maghihintay sa katugunan na Papet at Reaksyonaryong Gobyerno, na kung saan ang mismong pangunahing Lider nito at mga miyembro ng Gabinete ay patuloy na nagdedepensa at nagtatanggol sa iligal na paggastos ng salapi mula sa kabang yaman ng bansa, na kung saan walang pakundangan din nitong binalewala at nilalapastangan ang sagradong disisyon ng Kataas-taasang Hukuman (SC).
Malaking dagok sa maraming bilang naghihikahos na mamamayan at mga mamamayan na dugo’t pawis ang puhunan sa pagpapakahirap sa marangal na hanap-buhay ang hindi tutuldukan na Sistema ng Korapsyon sa loob mismo ng gobyerno na kung saan ang ilegal na sistemang ito ay legal na naisakatuparan sa paraan ng panlilinlang, pag-aabuso sa kapangyaarihan at baluktot sa nilalaman ng Saligang Batas ng Bansa, kaalinsabay din nito ang hindi katanggap-tanggap na espesyal na pagtrato sa lahat na sangkot Pork Barrel Scam, habang ang mga Political Prisoners at Common Prisoners ay patuloy na dumaranas ng napakahirap na kalagayan at hindi patas na pag-trato sa loob ng mga regular na piitan. Dahil sa kawalan ng sinsiridad mismo ng Gobyernong Nasyonal na ipatupad ang libre, sapat at maayos na makataong serbisyong pang-piitan, gayundin ang hindi natitinag na sistema ng diskriminasyon sa pagbibigay ng mga pribilihiyo at pagkilala sa mga karapatan ng mga konbiktado at ditinado.
Naninindigan ang mga Bilanggong Pulitikal na ang sistema ng korapsyon sa loob ng Papet at Reaksyonaryong Gobyerno ang pinagmumulan ng iba’t-ibang uri ng kasamaan at kaguluhan na maaring tumungo sa krisis pampulitika at ekonomiya sa pinakamalalang kalagayan, kaya marapat din bigyan ng sinsiridad ang pagkakaroon ng makabuluhang usapang pangkapayapaan na tumutukoy sa pinag-uugatan ng malago ng paghihirap, pandarahas sa buhay ng mamamayan at walang humpay na armadong tunggalian sa bansa.
Panagutin at ipiit ang lahat ng sangkot sa Pandarambong at Paglustay ng salapi mula sa kabang yaman ng Bansa!
Muling buksan ang makabuluhang usapang pangkapayapaan ng NDFP at GPH!
Palayain ang lahat ng Bilanggong Pulitikal!
BILANGGONG PULITIKAL Maximum Security Compound Muntinlupa City