(Hulyo 16-23, 2012)
Kami mga bilanggong pulitikal sa PNP Custodial Center sa Camp Crame ay nakikiisa sa pambansang pagpapagutom ng mga bilanggong pulitikal mula sa araw na ito hanggang sa Hulyo 23, ang araw ng ikatlong SONA ni Aquino. Kasabay naming sa pambansang protestang ito ang mga tagapagtaguyod ng mga karapatang-tao, mga kamag-anak at kaibigan na malaon ng nananawagan at kumikilos nang kapit-bisig ang sambayanan para sa isang pangkalahatan, walang kundisyon at omnibus na amnestiya sa lahat ng mga bilanggong pulitikal sa buong bansa at sa pagpapanumbalik ng kanilang kalayaan na ipinagkait sa kanila sa di makatarungang paraan.
Ang pagbibigay ng hustisya sa lahat ng mga bilanggong pulitikal at ang pagpapanumbalik sa kalayaang ipinagkait sa kanila ay parehong isang batayang karapatang-tao at isang mahalagang element sa prosesong pangkapayapaan.
Muli naming iginigiit an gaming panawagan noong nakaraang taon na ang gubyerno ni Benigno Semion Aquino III ay kinakailangang sumunod sa kasunduang nabuo noong Pebrero 2011 sa pagitan ng mga Peace Panels ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GPH) para sa pagpapalaya sa lahat ng mga bilanggong pulitikal— na karamihan o kalakhan sa kanila ay iligal at di-makatarungang ikinulong at ang pagpapalaya sa kanila ay dapat na maging bahagi ng mga hakbanging nagpapakita ng pananalig sa bahagi ng gubyerno ni Aquino kung tunay na hinahangad ang pag-unlad ng prosesong pangkapayapaan.
Mula nang ipagyabang ni Aquino sa kanyang ikalawang SONA noong nakaraang taon na umuunlad na ang prosesong pangkapayapaan at ang pagrespeto ng gubyerno sa mga karapatang-tao ng mga mamamayan at laluna ng mga bilanggong pulitikal, nakaranas kami, mga dati at bagong bilanggong pulitikal ng panibagong karahasan at panggigipit bunga ng mga matagumpay na protesta’t paglalantad naming sa mga tiwaling pamamalakad at pagtrato ng nasa PNP, BJMP at local na gubyerno (LGU) sa mga bilanggo kabilang na ang mga bilanggong pulitikal na mga Muslim at di-Muslim. May pakikialam pa ng FBI ng US sa pag-iinteroga sa mga bilanggong pulitikal na mga Muslim na pinararatangan nilang mga “terorista”.
Sa nakaraang taon ay tampok ang pagpapahirap at unti-unting paglason kay Tirso Alcantara ng mga gwardyang sundalo sa kanya sa Fort Bonifacio. Hindi naman tinatantanan si Ramon Patriarca ng Cebu City hanggang sa mailipat siya detensyong military ng AFP bilang ganti sa matagumpay niyang pamumuno sa mga protesta ng mga bilanggo sa provincial jail at city jail ng Cebu na kung saan ay nailantad nila ang kabulukan ng local na gubyerno ng Cebu at naipagtagumpay nila na mapataas ang arawang badyet para sa pagkain ng mga bilanggo.
Sa unang hati ng taong ito ay lumabag uli ang GPH sa JASIG (Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees) nang hulihin si Renante Gamara noong Abril 3 sa Las Pinas kahit may hawak pa sya mismo ng katibayan (Jasig Card) na sya ay protektado ng JASIG. Bandang Mayo, hinuli’t kinasuhan ng bagong gawa-gawang kaso si Jaime Soledad sa Inopacan, Leyte samantalang isa siya sa mga napalayang NDFP peace consultants noong huling kwarto ng nakaraang taon bilang pagtugon ng GPH sa kasunduang magpapalaya ng mga NDFP peace consultants para umusad ang usapang pangkapayapaan.
Hindi pa nakuntento sa mas marahas na hakbangin, ang GPH nitong 29 sa pamamagitan ng PNP National Head Quarters ay pwersahang inilipat si Alan Jazmines mula sa Crame tungo sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Paranaque bilang ganti sa mga Muslim na bilanggong pulitikal at pamamagitan ng Sekretong upisina nito sa loob mismo ng Camp Crame at malapit sa kulungan ng mga bilanggo sa PNP Custodial Center. AT pagkalipat kay Jazmines sa Bicutan, tahasang inihiwalay sya sa mga kapwa bilanggong pulitikal.
Samantala sa PNP Custudial Center pagkatapos ng paglilipat kay Jazmines ay nagpatulong ang mga panggigipit sa mga naiwang NDFP peace consultants at sa iba pang bilanggong pulitikal na Muslim at iba pang mga bilanggo. Sinagkaan ang kanilang mga karapatan na makapag-ehersisyo, makapaglaro ng pingpong at basketball, at ang makasalamuha sa kapwa bilanggo lalu na sa panahong walang dalaw tulad ng sa nakaraan. Arbitraryong pinaglilipat-lipat din ang iba sa kanila at may ilan na pinagsisisiksik sa selda habang may ibang selda na walang laman.
Maliit na sakripisyo lamang ito sa panig naming kumpara sa rehimeng Aquino na mas pinapaburan ang mga malalaking negosyante kumpara sa mga maralita ng lunsod na walang humpay na dinaranas sa lanilang mga kumunidad ng madududong demolisyon, panununog, pandarahas, pang-aresto’t detensyon at pamamaslang.
Sa kabila nito, nagpapatuloy ang paglaban ng sambayanan sa lahat ng klase ng mga pandarambong at panunupil ng mga imperyalistang kapangyarihan sa pangunguna ng US kasabwat ang mga local na malalaking komprador burgesya, mga malalaking panginoong maylupa at mga burukratang kapitalista. Sa patuloy na paglakas ng paglaban ng masang anak-pawis sa mga pagsasamantala’t pang-aapi, lalong dumadagundong ang napapanahon pang islogan mula sa makabayang tula ni Amado V. Hernandez na nasasagad ng: “Hindi habang araw ang api ay api. Tanang paniniil ay may pagtutuos. Habang may bastilla’y may bayang gaganti!”
Muli kaming nananawagan para sa isang pangkalahatan, walang kondisyon at omnibus na amnestiya sa lahat ng mga bilanggong pulitikal sa buong bansa. Nananawagan din kaming palayain na ang mahigit 350 bilanggong pulitikal laluna ang 14 na NDFP peace consultants upang maipagpatuloy ang naantalang pormal na usapang pagkapayapaan.
Pinagpupugayan at dinadakila naming ang mga martir ng mga pakikibakang pambansa at demokratiko ng sambayanang Pilipino sa nakaraang taon. Tiyak naming na higit na mas marami pang mga kabataan, intelektwal at masang anak-pawis ang dadampot sa mga sandatang nabitawan upang isulong ang pambansang demokratikong pakikibaka tungo sa ganap na tagumpay!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!
Palayain ang mga bilanggong pulitikal!
Hulyo 16, 2012
Renante M. Gamara
Eduaro O. Sarmiento
Eduardo R. Serrano